Maniwala ka, mananatili ako sa tabi mo
Hahawakan ko ang kamay mo
Sa bawat pagsubok hindi ako aalis
maghihintay para sa’yo, mahal ko.
Sa isang dating app kita unang nakita
ako’y nagalak na naging kaibigan kita
sa unang pag-uusap palang nati’y parang ilang taon na tayong magkakilala
doon ko nalaman na iba ka sa mga nakilala ko, iba ka sa kanila
Nagdaan ang ilang araw at tayo’y nagkita
sobrang payat mo pala
nahiya ang katawan ko’ng puno ng taba
naisip ko, de bale na, opposites attract nga, diba?
Sa mga sumunod na araw ay nalaman ko na magkaparehas pala tayo ng araw ng kapanganakan,
mangga din pala ang iyong paboritong prutas,
at mahilig ka din pala sa mga lumang kanta
old soul din kasi ako kaya naisip ko’ng may mga pagkakapareho din pala tayo
Madalas masagi sa ating pag-uusap ang salitang “commitment”
napag-uusapan natin kung handa na ba ang isa’t-isa
ngunit ang sabi mo saki’y hindi pa pala
pero wag kang magalala, ako’y handang hintayin ka
kahit abutin man tayo ng college graduation nating dalawa
o kahit nga naghahanap ka na ng trabaho at ako’y nag-aaral pa
Sa isa’t kalahating buwan nating pagsasama
nakilala natin ng lubos ang isa’t-isa
sana’y naging masaya ka sa aking presensya
dahil masasabi ko na ako’y sobrang nagalak na nakilala kita
Talaga ngang ang buhay ay parang gulong
paminsan ay nasa itaas
paminsan nama’y nasa ibaba
Umabot sa punto na atin nang pinapakita
Ang bawat bahid natin na hindi maganda
Ngunit bakit ganon ang iyong naging reaksyon?
Hindi mo ba tanggap ang nakaraan ko at para sa’yo ay naging imposisyon?
Sa kabila ng lahat ng panghuhusga mo
Sinasabi parin sa sarili na ikaw ang aking gusto
Siguro nga’y mas higit pa sa gusto ang nararamdaman ko para sa’yo
Maniwala ka, mananatili ako sa tabi mo,
At hahawakan ko ang kamay mo.
Sa bawat pagsubok hindi ako aalis
maghihintay parin para sa’yo, mahal ko.

—








